Martes, Setyembre 29, 2015

PANIMULA

Bilang isang mag-aaral, isang matibay na basehan ang sariling pagsasaliksik ng iba’t ibang impormasyon. Isa sa aming matibay na basehan ay ang aming pagtatanong sa mga estudyante ng sekondarya ukol sa kung sila ba ay nanonood ng teleserye. Dalawampu’t dalawa sa dalwampu’t limang estudyanteng aming napagtanungan ay nanonood ng teleserye at ito ay may iba’t ibang dahilan; ilan sa mga dahilan kung bakit sila ay nanonood ng mga teleserye ay dahil ito ay nakatutulong bumukas ng kanilang kaalaman ukol sa mga iba’t-ibang mga bagay at para sa kanilang ikaaaliw. Malaki ang naitutulong ng panonood ng mga teleserye sapagkat ito ay may mga leksyon at ilan sa mga kaganapan ay nangyayari sa kanilang pang araw-araw na buhay. Ang mga tao ay natututo ukol sa iba’t-ibang aspeto kagaya ng mga isyung pang-pamilya, pang-relihiyon, pang-sariling disiplina at pakikihalubilo sa kapwa.  Ang mga teleserye ay nagbabago sa bawat panahon ngunit ang pagbabago ba nito sa makabagong panahon ay nakakatulong sa ating lipunan? Ang mga teleserye ngayon ay masyadong nagiging bukas sa iba’t-ibang isyu na hindi man lamang kinukinsidera ang mga bata o minor na manonood. Ilan sa maraming mga nagaganap na pagbabago sa teleserye ay ang mga temang naglalaman ng mga pananakit, “Adultery”, at droga.  Ang mga pagbabagong ito ay hindi angkop sa mga minor de edad sapagkat ito ay gugulo sa kanilang pag-iisip at maaaring subukan nila ang iba’t-ibang mga aksyon na ginawa sa teleserye kagaya na lamang ng paggamit ng droga.


Ang mga tema ng mga teleserye noon ay kalimitang ukol sa mga kahalagahan ng pamilya, kahalagahan ng kaibigan, at mga mahahalagang moralidad. Ang mga ito ay napalitan upang mabuksan ang kaalaman ng mga iba’t-ibang tao upang sila ay makagawa ng aksyon sa mga bagay bagay na maaring nilang maranasan. Ang mga bagong teleseryeng ito ay kapansin pansing hindi kaayaya para ipanood sa mga bata sapagkat ito ay naglalaman ng mga senaryo na maaring hindi lubos na maunawaan ng mga bata. Ang mga ito ay malaking suliranin sapagkat marami sa mga manonood ay mga bata o minor de edad at ang kanilang napapanood ay malaki ang epekto at impluwensya sa kanilang buhay. Marami nang ginawang aksyon ang mga mamamayan dito kagaya ng pagpapalabas ng mga kaukulang lebel katulad ng rated G, rated PG, at rated SPG. Sa aming pagsasaliksik sabi ng mga ekspert ay ang mga bata ay natutuo sa kanilang mga panonood at pakikinig, kaya’t dapat lamang na palitan ang mga tema ng mga teleserye lalo na sa mga oras na nanonood ang mga bata o kaya naman ay bigyan sila ng gabay ng kanilang mga magulang upang lubos na maintindihan ang pinapahiwatig ng teleserye.



Walang komento:

Mag-post ng isang Komento